Sanaysay na Nagsasalaysay

Luis Marcelo
3 min readJan 2, 2019

--

(Unang inilathala noong Setyembre 10, 2015 sa Facebook notes.)

Mahilig din pala sa biro ang Diyos. Nakakatawa rin kasi kung isipin… isang buwan na akong araw-araw na bumibisita.

Alam mo, naplano ko na ‘to sa ulo ko. Pagkatunog ng bell, papasok ako sa silid. Tatayo ako do’n sa may pintuan. Kunwa’y galit daw. Liban ang saya, kaunting kunot-noo. Kaunting drama kumbaga hanggang sa mapansin ng mga estudyante. Hanggang sa matakot. Hanggang sa tumahimik. Habang nananalangin kami, patuloy pa rin ang tensyon. Pagkatapos…

Magandang umaga! :)

Oo, may ngiti. May halo ng kaunting masaya akong makita kayo at huwag kayong magkamaling mag-ingay ulit. Dati ko pa ‘yang pinag-isipan — bago pa ako naging aplikante sa Xavier, bago pa ako nahikayat na subukin ‘to, bago pa ako pumasok sa kolehiyo. Hayskul talaga, iyon na. Isip ko, ‘pag naging guro man ako, iyon iyong gagawin ko. Humanda sila, may tricks na ako.

Pero hindi. Akala mo ang dali. Pero para sa baguhang papasok pa lamang sa una niyang klase, iba lang talaga ang kuwento. Ang realidad… Diyos ko po.

10:10. Lumakad na ako papunta sa silid-aralan. Baon ko ang mga payo at bati ng mga kasama kong guro. Suot ang plantsadong long sleeves at bitbit ang mga papel ng mga mag-aaral, hinintay ko ang pagtunog ng bell. Malapit na, Luis. Sumimangot ka na. Malapit na, malapit na…

(Ang tagal din pala ng limang minuto. Lalo na kung nakasimangot ka kahit na sa loob-looban mo’y nasasabik ka na.)

10:15. Heto na — hindi pa rin simula ng klase. Ano ba. Transfer time, kuno. Wala pa ‘yan noong panahon ko sa Xavier. Kailangan daw ng mga bata ng panahon para maghanda para sa susunod na klase. Bago pa man ako makapasok ng silid, nagsilabasan na ang mga bata para kumuha ng gamit sa locker. Bigla akong nakita — iyong nag-demo sa kanila noong isang araw. Patay!

“Cher! Cher! Are you our new teacher?” “Cher! Where’s Bb. Cuevas?” “Cher! Kailangan ba ng dictionary?”

Iyong plano, Luis. Iyong plano. Liban ng damdamin, sinabihan ko silang sasagutin ko ang tanong mamaya’t bumalik na sila sa upuan. Sinabihan ko silang sasagutin ko ang tanong mamaya’t bumalik na sila sa upuan. Sinabihan ko silang sasagutin ko ang tanong mamaya’t bumalik na —

Kinalimutan ko na iyong plano. Anumang inaasahang drama’y biglang gumunaw sa ere habang nadadala ako paloob ng silid. Estudyante sa kanan, sa kaliwa, sa likod, sa harap. Tanong dito, ingay doon. Malunod ba naman? Habang transfer time pa, inayos ko na lamang ang set-up ng projector — hinintay ko na lang matapos ang limang minuto.

“KLAAASEEEEE!” Malalim ang hinga. “KLAAAAAAASEEEEEEEEE!” … 10:20. Tumunog ang bell. At dito na nagsimula. Diyos ko po, comedy lang talaga.

Isang buwan na rin pala akong nagtuturo — lampas pa nga. Sa paggawa ng PowerPoint, pagwawasto ng papel, pagbabasa ng kung ano-ano, hindi ko na namalayan ang bilis ng paglipas ng panahon. Mangilan-ngilan na ang natalakay naming paksa sa klase, kabilang na roon ang pagbubuod, pagkukuwento at sanaysay na nagsasalaysay. Nakalululang isiping marami na ang nagdaan.

Iba na rin pala ang gawain ko sa klase: may sarili na akong pakulo sa pagpapatahimik ng estudyante. (Siyempre, sikreto ko na ‘yon — baka mabasa pa nila.) Bagama’t ubod pa rin sila ng kulit, paunti-unti na rin akong — hindi, hindi ko pa sasabihin.

Minsan, iniisip ko pa rin kung paano ako naging guro. Sa pagkalayo-layo nga naman ng tinahak ko sa buhay, napadpad pa rin ako pabalik sa Xavier. Pero sa mga pagkakataong iyon, bungisngis na lang ang nagiging sagot ko. Minsan lang kasi, iyong mga bagay na wala sa plano ang siya pang magbibigay-kulay sa mundo mo.

(PS. Sa mga (hindi) nagtataka, wala pa akong tinatanggap na friend request.)

--

--

Luis Marcelo
Luis Marcelo

Written by Luis Marcelo

Luis just wants to write. And rant. And over-share. And get it all out. So he will.

No responses yet