Kahulugan
Year End 2015.
Noong nagsimula iyong taon, patlang pa iyong pahinang ‘to sa bago kong planner. Bumili ako ng Moleskine para magawa ko iyong bullet journal* — sakto na kasi ang layout. Pero hindi naman kailangan para sa planner system iyong pahinang ‘to. Kaya pinag-isipan ko kung paano ko siya magagamit. Ang ganda sana kung mapupuno ko ng kung ano ang bawat araw ng buong taon.
Napag-desisyonan kong punan ang bawat petsa ng isang alaalang masaya mula sa araw na iyon. ‘Di naman kailangang may kaganapan o tumatalon na ako sa saya — kahit maliit na bagay lang basta nakapagdulot ng kaunting tuwa. Sa pag-iisip ko, kung magawa ko iyon araw-araw, makatutulog akong may pampalubag-loob. Optimista kuno.
Sa totoo lang, nahirapan akong mag-commit (pero ganoon naman talaga eh ano). Daraan ang ilang araw na iiwan ko siyang patlang. Araw nagiging linggo. Minsan, buwan. Hindi naman sa walang nangyaring masaya pero nakakaligtaan ko lang talaga. Di kaya tinatamad ‘pag nakitang dumarami na ang walang laman.
Subalit pinagtiyagaan ko talagang buuin siya. ‘Pag medyo matagal na akong ‘di nakapagsusulat, uupo ako’t babalikan ko talaga sa mga mensahe ko sa selepono ko kung ano ba ang nangyari sa mga araw na naiwan kong patlang… isa-isa hanggang sa maalala ko’t magawan ko na ang lahat.
At heto. May mga blangko pa (lalo na sa Setyembre noong nagkasakit ako), pero ipinagmamalaki ko na rin.
Habang sinusulat ko iyong unang burador ng sanaysay na ito, napahinto ako dahil sa dalawang salita: Defining Moment. As in, “Wala kasing tumatatak sa isipan ko [na defining moment].”
Ano ba ang salin para roon?
Sa unang daan ng sulat ko, nilagay ko ang “makahulugang pangyayari.” Definition — kahulugan, puwede naman.
Pero noong binalikan ko siya’t pinag-isipan, parang hindi siya suwak. Makahulugan — meaningful. Kumbaga, sinasabi kong walang meaningful na nangyari sa akin buong taon? Di naman yata totoo iyon.
Kahulugan — depinisyon. Pero ‘pag ginawa mong “makahulugan” hindi lang siya “maraming depinisyon” — lumalalim pa ang (hehe) kahulugan nito.
Kung hihimayin mo pa ang salita para sa kanyang ugat: Hulog. Oo, puwedeng “nahulog si Luis sa isang balon.” Pero mas magandang tingnan ang “naghulog si Luis ng pera sa bangko.” Para bang sinasabi nito na ang kahulugan ay taglay ng isang salita o bagay dahil sa puhunan na inilalagay ng tao rito.
Iyon na siguro iyong gusto kong sabihin…
Tuwing nakikita ko iyong mga posts na “2015 wasn’t a good year,” “never again,” “I hope 2016 will be better,” napapahinto ako. Napapaisip ba kung sumasang-ayon ako sa dramang iyon…
Sa totoo lang, malabo. Blur.
Weird… kung kailan luminaw na ang aking paningin (tenkyu to Dr Caparas), iyan pa iyong alaala ko sa taon.
Wala kasing tumatatak sa isipan ko — pangyayaring nakalimbag sa alaala ng 2015. Kunsabagay, kung ipaghahambing ko naman talaga siya sa mga ginanap noong 2014, medyo matamlay. Walang “I finally graduated this year.” Walang “I said goodbye to my college life.” Walang “I’m a teacher?!”, “I got my first salary!” at kung ano-ano pa.
Parang bigla lang umihip ang 2014, Bagong Taon na ulit. Siguro kasi, sa dami ng oras na inilaan ko sa pagmamarka ng mga papel, ‘di ko na naramdaman ang paglipas ng panahon.
Iyong totoo… napapatanong ako kung ito na nga ba ang ibig sabihin ng pagiging “adult.” Iyon bang patuloy kang maghahanap ng susunod na sandaling maipagmamalaki. Hindi na kasi daraan nang kusa ang mga milestone sa buhay mo… kailangan nang pagsikapan.
Pero habang binabalikan ko iyong mga naisulat ko sa planner, hindi ko kayang basta-basta na lamang itakwil ang mga mabubuting bagay na nangyari sa naglipas na taon — kahit iyong mga maliliit. Iyon bang makikita mo ang ngiti ng isang kaibigan o iyong magbibiro lang iyong isa mong mag-aaral… parang ang laki ng naging halaga ng mga sandaling iyon.
Iyan na yata ang 2015 para sa akin. Hindi man siya pananda sa aking buhay (maliban siguro sa dengue), hindi ko pa rin siya maisasantabi’t malilimutan. Nasa mga mumunting sandali ng kaligayahan ang halaga ng taong ‘to para sa akin — mga sandaling puno ng kahulugan.
Oo, it was a good year.
Maraming salamat sa lahat ng mga nakasama ko sa aking paglalakbay sa taong ito. Nawa’y magkasabay pa rin tayo sa 2016!
* - OC na kung OC. Highly recommended para sa mga may Starbucks planner na hindi naman umaabot ng Pebrero. Try n’yo! Gumagana siya, pramis.
(Unang inilathala noong Enero 1, 2016 sa Facebook notes.)